Huwebes, Hulyo 7, 2011

Noisy 1.)

"tahimik natin ah."

"oo nga eh, magsalita ka kasi."

"sige, magiisip ako ng ik-kwento.."

Ramdam kong hindi siya komportable sa katahimikan, ako kasi sana'y na sa ganito.

"wala akong maisip. wala ka bang tanong?"

"matagal na ba kayong magkakaibigan nila (pangalan ng tropa nya)?"

"medyo,...oo,....."

"nag-away na ba kayo dahil sa babae?"

Ngumiti sya, inassume kong 'oo' ang ibig sabihin nun. Siguradong tumatakbo na sa isip nya ngayon kung paano pagagandahin yung storya para sakin. Ayos! naka jackpot ako ng tanong, mukhang mahaba-habang storya to. Nagsimula siyang magkwento. Nakatingin sya sa malayo. Binaybay ko kung saan sya nakatingin kasi parang dun nya napapanood yung detalye ng mga eksena pero bumangga lang ako sa pader. So tumingin nalang ako sa kanya. Mabilis ang buka ng bibig nya. Gimik the reunion ang tema. Malamang nagsisigarilyo 'to. Hindi manipis, pero hindi rin ganun kakapal yung labi nya, tama lang. Medyo matangos ang ilong at medyo mahaba rin ang pilik-mata. Makinis ang mukha nya, nakakainsecure.

Bigla akong nakaramdam ng hiya. Pakiramdam ko may isa pang ako na nakatabi samin at nakatingin sa pinagagagawa ko. Kaya tumingin nalang ako sa kahit anong bagay na makikita ko sa lugar na 'yon - Ilaw....bintana....bubong...dahon....drainage....scooter.....kamay nya - halatang may lakas ang mga kamay nya kahit naka relax lang ang mga ito ng mga sandaling iyon. Siguro kung hahawakan nya ko ng mahigpit, makakaya nyang durugin ang mga buto ko ng walang kahirap hirap. Pero napansin ko na parang malambot ang palad nito, alam ko namang nasisinungalin lang sya nung sinabi nyang masipag sya sa bahay. Gusto ko sanang hawakan, pero parang tanga lang yun diba? Sigurado magugulat talaga sya kung gagawin ko yun, ano 'to holding hands while talking? baka bigla akong sapakin. Hehe Nakatingin nanaman pala ako sa kanya. Napangiti ako ng konti. Ano kayang gamit nya? Vaseline for men o Master Eskinol? baka Olay? hahahaha tang'na daig pa ko. Napatingin ulit ako sa mga labi nya, parang malambot din. hehe.

Nawala yung ngiti ko at bigla akong kinilabutan nang mapansin kong di na pala gumagalaw yung mga labi nya. Oh men! Tapos na yung kwento nya at nakatingin na sya sakin. Kung kanina pa o ngayon lang eh wala akong idea. Sa sobrang lakas ng tibok ng puso ko, pakiramdam ko mababali na nya yung mga ribs na malapit sa kanya.

Hindi ako makalunok.

Gusto kong magsalita.

Marami akong naiisip pero hindi ko alam kung alin ang sasabihin.
Hindi ko kasi alam kung may naiwan ba syang tanong na dapat kong sagutin, o mag-a-alibi ako kasi napansin nyang di ako nakikinig, o gusto nya akong halikan.